JUN-JUN SY, GMANews.TV
06/11/2009 09:55 PM
JAEN, Nueva Ecija –Matapos buksan muli ang klase sa Hilera Elementary School nitong Martes, muli na naman itong sinuspindi nitong Huwebes ng umaga makaaraang magpositibo sa Influenza A(H1N1) virus ang isa sa mga estudyante rito.
Mismong si Jaen Mayor Santiago Austria at opisyal ng Department of Health ang nag-utos na suspindihin ang klase matapos makumpirma na magpositibo sa A(H1N1) ang isa sa mahigit 40 mag-aaral sa grade 6 na nilagnat simula noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Autria na sampung araw na kanselado ang klase sa nabanggit na paaralan batay na rin sa direktiba ng DOH.
Nagsagawa na rin ng emergency meeting ang mga opisyal ng DOH at lokal na opisyal upang hindi kumalat ang sakit at matukoy kung saan nahawa ang mga estudyante.
Matatandaan na nilagnat, nagkasipon at nagkaubo ang mga mag-aaral noong nakaraang linggo, bagaman karamihan umano sa mga ito ay mabuti na ang kalusugan.
Dahil sa pag-aakalang karaniwang lagnat ang dumapo sa mga bata dahil sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan, kinansela ang klase noong Huwebes (Hunyo 3) hanggang Lunes (Hunyo 8).
Dahil bumuti na lagay ng karamihan sa mga estudyante, nagpasya pamunuan ng paaralan na buksan ang klase nitong Martes, at kinansela muli nitong Miyerkules ng umaga nang makumpirma ang kaso ng A(H1N1).
Sa ulat ng GMA news’ 24 Oras nitong Huwebes, sinabing tinutukan ng DOH ang kaso sa mababang paaralan ng Hilera upang matukoy kung papaano nagkahawahan ng sakit.
Sampung specimen pa umano ng mga estudyante ang hinihintay ang resulta.
“Papaano nagkawa-hawa ang mga estudyante r’on, dito (sa Metro Manila) may nakuha tayong estudyante nag-travel abroad nakasakit. Sa Hilera, sa Jaen malayo yun, elementary o sino naman…kasi ngayon wala raw nag-abrod na mga bata…possibility puwedeng may dumayo r’on na nakahawa," paliwanag ni Health Undersecretary Dr. Eric Tayag. - Jun Jun Sy, GMANews.TV